Friday, November 15, 2013

My Husband's Lover Aprub sa LGBT Community

KUNG 20 years ago ay ipinalabas ang hit beki-serye na My Husband’s Lover, malamang sa hindi, semplang ito sa rating. Walang manood at baka abot ang protesta ng publiko lalo na ng mga babaeng nakasuot ng white and blue na abala sa kanilang gawaing simbahan sa bayan namin sa Nueva Ecija, kung hindi manang at walang asawa (mga matatandang dalagang tsismosa), sila ang numero unong reklamador ng mga pagbabago na nagaganap sa mundo.

 Maging ang Super Sireyna ng Eat Bulaga (na dati-rati’y sa mga fiesta mo lang napapanood pampaaliw ang mga beking mujerista na nagli-lipsynch ng mga kanta ni Lala Aunor habang naghihintay ng taya bago paikutin ang larong roleta at kumekendeng-kendeng si Ateng. Ang layo na ng pagsulong ng mga LGBT sa makabagong panahon.
Salamat sa media at lumi-level up na rin ang mga konsepto na ipinalalabas sa telebisyon tungkol sa kabadingan at ka-tomboyan at dahan-dahang natatangap at naiintindihan ng Pinoy.
Kaya nga laking pasasalamat ng mga lesbian at transgender sa That’s My Tomboy segment ng It’s Showtime sa Kapamilya Network dahil dahan-dahan, nabubuksan ang kamalayan ng manonood, lalo na ang karamihang Pinoy na konserbatibo kung anong mundo meron ang mga lesbian, lesbo at T-bird. I love Showtime for the effort na ipakilala nila ang puso ng mga tomboy na dati-rating kinakaasiwaan ng karamihan.
Ang Pinoy kasi, mas sanay makipaghalubilo sa mga beki kumpara sa mga lesbian na para sa kanila, masyadong brusko (imahe ng mga tatay o asawa na nambubugbog, lasenggo, babaero, at sugarol ang impresyon ng karamihan sa kanila).
Dahil sa telebisyon (tulad sa ipinalabas ng Kapamilya Network two Sundays ago sa Che Che Lazaro Presents na nagpapakilala kung ano ang LGBT (lesbian, gay, bisexual and transgender) para lalong maintindihan ito ng publiko. Kudos to the people behind such shows at sa progressive moves nila na sa konting kakayahan nila at pamamaraan ay makilala ng mundo, lalo na ng mga Pinoy ang galing ng mga LGBT. (Sinulat ni RK Villacorta/Pinoy Parazzi)

Ang Pagbabago ni Paolo Avelino

AMINADO SI Paulo Avelino na noong panahon na nagtataray siya sa press, ang mundo niya ay puno ng alinlangan .Problemado siya (lalo na sa kanyang lovelife with LJ Reyes kung saan may anak silang five years old). Panahon ‘yun na gusto niyang ilihim or i-deny ang anak niya na kasing edad din ni Honesto (he plays father ng batang matapat). Pero aminado si Paulo na nakatulong sa kanyang ang role bilang ama ni Honesto para maintindihan ang kalahatan ng kung ano mang sitwasyon niya ngayon. Aminado na si Paulo (na dati super deny siya) na split na sila ni LJ and he is dating again (a non-showbiz girl) na nagpapangiti sa puso niya.


No wonder, mukhang tanungin mo man siya ng medyo personal (about his child and ex-girlfriend), able and willing na rin niyang isine-share kahit gusto niyang maging super private ang buhay niya (na hindi talaga maiiwasan lalo pa't isa siyang artista) there is no such things as "being private".Ngayon na nagsalita na rin si LJ Reyes (kasamahan niya dati sa Starstruck) kung saan ito ang ina ng kanyang anak at nag-open up na rin tungkol sa hiwalayan nila, mas cool na at good vibes na ang aktor.
Wala na siguro hassle. Wala na siya pagtatakpan pa. Wala na alinglangan kung ano ang kahihinatnan nila ni LJ dahil  malinaw na hiwalay na sila,
Kung dati-rati'y kilala mo si Paolo na malihim. Less talk at hindi palakibo, this time iba na siya na sa pagkakataong ito, alam na niya ang mundo na pinasok niya na kung minsan, kailangan namin niya mag-share at mag-open up at magtiwala sa mga taga-showbiz. Basta ngayon, happy ang aktor and he is dating someone out of showbiz. (Sinulat ni RK Villacorts/Pinoy Parazzi)

Ang Kuwento ni Rodel Nacianceno...

FIRST TIME kong makita at makausap nang personal (kahit sa isang open forum) si Rodel Nacianceno. Laking Novaliches siya. Simpleng bata na nangarap ng magandang buhay ayon sa mga kuwento tungkol sa kanya.
Mas nakaagaw siya ng pansin sa akin nang medyo maluha-luha siya sa kuwento ng kahirapan at mga pagsubok na napagdaanan niya sa buhay.
Ganu’n naman yata ang tao, napapaiyak at nalulungkot kapag nagbabalik-tanaw sa mga napagdaanan natin na sa kabila ng kahirapan at malas sa buhay ay nairaos natin. Naitawaid natin para umabot tayo kung ano man ng kinatatayuan natin o estado ngayon.
Pinanday si Rodel ng kahirapan na gustong makatulong sa kanyang pamilya. Kaya nga ‘yong karanasan niya sa simula, malaking bagay ‘yun para magpatibay sa kanya.
Suwerte nga marahil na matatawag o milagro ng Poong Nazareno ng Quiapo ang nagbigay sa kanyang ng magandang buhay sa kabila ng sali-saliwang kahirapan na dinanas.
“Mula ng mahawakan ko ‘yong Poong Nazareno noong Pista, naging maayos na ang buhay ko. Gumaan,” pagmamalaki niya.
Sa Canada, kung anu-ano ang ginawa ni Rodel para mairaos ang maghapon. Naririyan na maging gasoline boy siya at mamudmod ng mga flyers sa mall sa barya-baryang kinikitang Canadian Dollars para maitawid ang sarili.
May nagkuwento nga sa amin kung gaano kahirap ang naging buhay niya sa Canada. Natutulog na lang sa ibabaw ng mesa dahil walang bahay na matirhan.
Walang nakapagsabi na si Rodel na nag-TNT sa Canada, si Rodel na pinasok ang seksing indie movies noon ay may maayos nang buhay ngayon. Kapag mabait ka naman at masipag, pagpapalain ka ng nasa Itaas. Susuwertehin ka lalo pa’t mapagmahal kang anak sa mga magulang mo.
Sa katunayan, sa ipinatatayo niyang bahay sa may bandang Fairview, isang medyo may kalakihang compound kung saan gusto niyang makasama ang mga pamilya niya’t mga kapatid. Bawat isa sa mga kapatid, ipinagpatayo niya ng bahay na katabi ng bahay niya. “Halos patapos na rin. Mga 90 percent na  ang nagawa. Landscaping na lang ang kulang,” kuwento ni Rodel.
Mabait na anak si Rodel. Ang tatay niya na hiwalay sa nanay niya ay binigyan niya ng pampasaherong jeep na bumibiyahe ng Novaliches-Blumentritt. Kumikita raw ito ng tatlong daang piso sa araw-araw. “Simple lang kaming pamilya. Walang nagbago sa buhay namin,” kuwento niya.
Kahit maalwan na ang buhay niya dahil sa sipag at suwerteng dumating , hindi niya sinasanay ang mga mahal niya sa buhay sa magara at mataas na pamumuhay. Kaya nga kapag may pagkakataon at hindi siya abala sa trabaho, mas gusto niya na nasa bahay lang siya.
Laking lola mula sa pagkabata. Gusto niya ‘yong masarap na lutong kare-kare ng lola niya. “Okey na sa akin ‘yun na once a week may handa siyang kare-kare,” pagmamalaki ni Rodel.
Si Rodel Nacianceno ay si Juan dela Cruz na idol ng mga bata dahil sa magandang pag-uugali nito. Si Rodel ay si Coco Martin na huwarang anak. Idol siya ng mga bata na tagasubaybay niya sa teleseryeng Juan dela Cruz na malapit nang magtapos.
 Si Rodel tulad ni Juan ay mabait at masunurin. Si Rodel tulad ni Juan na nangarap na matagpuan niya ang ama (ang haring aswang na si Albert Martinez) ay naisakatuparan dahil hiniling niya ito sa Itaas.
Tulad ni Santino sa teleseryeng May Bukas Pa noon; tinutularan ng mga bata ang Kuya Juan nila.
Parang kailan lang, malayu-layo na rin ang inilakbay ni Rodel para maging isang Coco Martin ng showbiz. Sa dami ng hirap na pinagdaan niya, ang pangarap niya na makaahon na sinamahan ng pagsusumikap at dasal ay ngayon naisasakatuparan.
Masaya kami sa mga taong nagngangarap. Mas lalo kami masaya kapag ang pangarap nila ay sinasamahan nila ng tiyaga at sipag. Tulad ni Rodel na ngayon ay kilala bilang si Coco Martin, masaya kami sa mga kuwento niya.
Mas naiintindihan ko ngayon kung bakit teary eyed siya noong napag-usapan ang mga karanasan niya.
Mas naiintindihan ko ngayon kung bakit ganu’n na lang ang pagtanaw niya ng malaking utang na loob sa mga taong nakatulong sa kanya. Mas naiintindihan ko at naa-appreciate ang isang Coco Martin matapos ang isang gabi na ipinakilala niya kung sino si Rodel Nacianceno sa buhay niya. (Sinulat ni RK Villacorta/Pinoy Parrazzi)

Mabuhay ang mga Artista at Showbiz!

NATUTUWA KAMI sa mga artista na sa sarili nilang pamamaraan ay gusto nilang makatulong sa mga nasalanta ni Yolanda.
 Si Angel Locsin, ipina-auction ang kanyang vintage car. Si Kim Chiu nag-donate ng 100 sacks of rice habang sina Bianca Gonzales , Judy Ann Santos, Ann Curtis, Regine Velasquez ay ipinapa-auction ang mamahaling designer’s bags at shoes nila para ang proceeds ay mapunta sa mga survivors ng bagyo.Nice to learn na ang mag-inang KC Concepcion at Sharon Cuneta nagbigay ng five and 10M respectively. Si Jake Cuenca ang mga sapatos niya ay naka-post sa IG para maibenta para makatulong sa mga naging biktima.
Super galing  ni Kris Aquino na mag-solicit from her sponsors bukod pa sa personal niyang tulong na cash from her own pocket.‘
Sa kabilang ng pagsusumikap ng showbiz na magtulong-tulong, hindi maiiwasan na may mga bashers pa rin sila na at atake na nakukuha.
Pero oks lang sa kanila. Basta ang mahalaga, nakakatulong sila in their own little ways. Yong iba na mga artista na hindi namin nabanggit na kumikilos at gumagawa para makatulong, Mabuhay Kayo! (Sinulat ni RK Villacorta/Pinoy Parazzi)

" I'm not homophobic!" -Tom Rodriguez

PHENOMENAL ang pagsikat ni Tom Rodriguez sa showbiz. Dati-rati’y one of those good-looking boy next door lang siya sa Kapamilya Network dahil ang dami nila sa liga.
Naisahog man siya sa pang-umagang teleserye ng Kapamilya Network na nagbuo sa pagmamahalan nina Ser Chief at Maya, hindi naman siya gasinong napansin dahil pansahog nga lang naman siya na puwedeng iba ang gumanap ng role na ginagampanan niya.
Sa kalagitnaan ng show, namaalam si Tom sa mga kasamahan. Lilipat siya sa Kapuso Network na maging sina Ate Divina Valencia at kaibigang Sylvia Sanchez, naghinayang lalo pa’t napalapit na rin sa kanila nang personal ang binata.
Sa paglipat-bahay ni Tom, walang nakapagsabi na ang partispasyon niya sa kontrobersiyal na My Husband’s Lover (with Dennis Trillo) ay naglikha ng marka sa kanyang career bukod sa risk ito para sa kani-kaniyang career na gumanap sila bilang mga beki sa teleserye, lalo pa’t ang kaisipan ng mga Pinoy ay kaiba. Kung ano ang karakter mo sa napapaood nila, gayon din kadalasan ang iisipin nila.
Noong una, akala namin one of those shows na naman ang MHL ng istasyon. Noong pilot episode, inabangan namin ito. Nausyami kami sa palabas na tipikal de-kahon at walang bago. Stereotype ang mga karakter (tatay na military na homophobic; bakla na nagpapakalalaki na nag-asawa para takasan ang kabaklaan, etc.). As the show progressed, hindi ko alam na naglilikha ito ng magandang reaksyon sa publiko. Positibo.
 Alam ko, maraming mga tagasubaybay ang MHL mula sa LGBT community pero hindi ko alam na pati mga straight, lalo na ang mga edad 40 pataas na housewives at mga lola ay nanonood din pala. Patunay ‘yong concert nila sa Araneta Coliseum na karamihan, mga babae ang nanood.
Nakatutuwang isipin na dahan-dahan, sa nagdaang panahon, isang delicate issue pang-telebisyon ang usaping kabaklaan; nag-risk ang istasyon at maging ang mga artista to break barriers tungkol sa misconception tungkol sa buhay at pag-ibig ng mga beki.
Bilang isang manunulat na naniniwala na kailangan at napapanahon na para mapalaya ang mga LGBT sa kulturang binuo ng takot sa Simbahang Katoliko at sa mga sinasabing “bawal”, malaki ang naitulong ng palabas para mabuwag ang maling pag-aakala tungkol sa mga beki, bakla, bading, badaf, bayot at kung ano man ang tawag mo.
Maging si Tom, aminado na matagal niyang pinag-isipan kung tatangapin niya ang role gayong ang Pinoy televiewers, kung minsan hindi rin nagle-level up ang mentalidad na napag-iiwanan na rin kung minsan.
“I’m not homophobic,” sabi ng binata sa pag-aakala na takot siya sa mga bading gayong ang dami niyang ga beki fans.
Laking pasasalamat nga niya sa LGBT community sa suporta sa kanya at sa teleserye nila na nagdala sa kanya sa popularidad at kasikatan kung ano man siya ngayon.
Kaya nga ang istasyon na naging dahilan para maging by-word ang pangalang Tom Rodriguez at ang pagalan niyang si Eric sa serye ay sinabayan na rin ang  popularidad na nilikha ng palabas sa pagpo-produce ng music CD nilang Tom-Den with “ka-loveteam” niyang si Dennis.
Hearing him sing songs during the launch recently like Photographs ni Ariel Rivera (Kilabot ng mga Kolehiyal of the 80’s) this guy can sing live na walang sablay. Actually, siya na ang papalit kay Ariel sa pagiging “Kilabot ng mga Kolehiyala” sa bagong panahon lalo pa’t may cult following ding nabuo si Tom.

Last weekend, sa album promo nila sa isang malaking mall sa Marilao, Bulacan, nakabenta ng mahigit na 400 CD’s that afternoon alone proving na hot property na rin ngayon ang binata.
Dahil sa popularidad ni Tom na likha ng MHL, bukod sa promotion ng kanilang CD ni Dennis ay magkakaroon sila ng US Tour sa San Diego and LA sa California.
“I hope I could have time to meet my family so they can watch me perform,” sabi ng binata. Ang pamilya ni Tom ay taga-Arizona which is only two hours’ drive to San Diego. Kung hindi ako nagkakamali, bago pa magsimula ang MHL, may ginawang indie movie ang binata kung saan sa istorya, pantasya siya ni Pauleen Luna na sinusubukan ang galing ng pagkilatis ng isang bading na manliligaw o lover. (Sinulat ni RK Villacorta/Pinoy Parazzi)

Ang Kuwento ni Pokwang...

SA SHOWBIZ, kailangang dapat mabango kahit papaano ang pangalan mo. Tapos na kasi ‘yong panahon na ang name mo sinusunod kung anong itsura mo ‘o ‘di kaya’t karakter na gusto mong i-portray sa industriya.
Noon ang pangalang Dely Atay-Atayan, Apeng Daldal, Matutina at kung sinu-sino pa ay bukambibig ng panahon ko. Kumintal sa kamalayan ko sina Bentot, Ramon Zamora at marami pang iba.
Pero ang pangalang Marietta Subong, parang hindi yata angkop para magpatawa. Parang pangalan ng OFW na tipong ang inaaplayan ay DH sa Hong Kong o Italy (no offense meant).
Sa panahon na usung-uso ang mga stand-up performer sa mga sing-along bar, ang mga pangalan nina Ai-Ai delas Alas (na nag-Reyna sa Music Box); Allan K at Leonard Obal (sa Library) at Vice Ganda (sa Punchline), sila ang mga bukambibig kung trip mong maaliw at nasa mood na matawa sa hirap ng buhay.
Pero ang pangalan ni Marietta Subong, unang dinig mo pa lang, may lamlam na. Parang problemado na ang taong may pangalan nito. Pangkaraniwan, pero hindi ko alam na matatawa pala ako sa kanya.
My first encounter with Marietta aka Pokwang upfront ay sa taping ng Toda Max sitcom niya with Robin Padilla almost two years ago. Napapanood ko na siya sa mga kalokahan na pinaggagawa niya sa telebisyon. Aliw ako sa hairstyle niya na parang Lady Gaga (siya yatang nagpasimula sa noontimeshownoon ni Willie Revillame na sinundan lang ng international singer kung hindi kami nagkakamali).
But during my first time to interview her, in between serious questions (about politics, sa buhay niya at pangarap sa Pilipinas at sa mundo) sumisingit-singit ang pagiging komedyante ni Pokwang. Ang nuances kasi niya, lukring, na ang seryosong usapin tungkol sa paglilingkod sa bayan na sinalihan na rin ng opinion ni Angel Locsin noong gabing ‘yun sa set ng sitcom nila ay paminsan-minsang nauuwi sa kanyang punchline at kagagahan.
She can talk about her sexuality, her views and opinions na hindi ko inaasahan na keri pala ni Marietta na ibahagi sa amin. Humahigikhik ako at napapailing na lang. Sabi ko nga sa kasama ko, gaga ang babaeng ‘to. Ang seryosongkuwentuhan, nauuwi na lang sa kalokahan niya.
Kahit pabiro, may sundot siya sa mga pulitiko na nagpapatakbo sa bayan natin. In short, hindi  lang siya nagpapatawa kung makakausap mo siya sa masinsinan. May laman, may anghang din ang mga sinasabi niya. ‘Yun nga lang, most of her statements ay pang-off the record na iginagalang naman namin lalo pa’t sa sitwasyon niya bilang isang celebrity ay baka siya maipit.
FAST FORWARD: Nitong nakaraang Sunday sa presscon ng pelikula niyang Call Center Girl (showing on November 27); in between sa pagpapatawa niya sa mga sagot niya sa press people noong hapong ‘yun, napaiyak siya.
Hindi ko nasundan kung paano ang simula ng pagluha niya na nagpapasalamat siya sa mga naging kaibigan niya sa showbiz, lalo na ang mga kapwa niya komedyante (sa pelikulang ito) na all out ang suporta sa kanya.
REALIFE: Marami na ring napagdaanan si Pokwang. Mga banat at atake sa kanyang pagkatao. Mga opinion ng press na hindi niya nakayanan pero naalpasan niya. Kahit papaano tatamaan ka at
maaapektuhan. Below the belt o sobra na ‘yong ibang banat. Masyado nang personal. Madrama ang buhay ni Marietta. Namatayan ng anak na sa pagkamatay ay wala siya sa bansa at nagtatrabaho bilang OFW. Kaya siguro ‘yong A Mother’s Story na pelikula niya, damang-dama niya ang role dahil naging siya ‘yun sa totoong buhay.
 PRESENT: Sa pagkakataon na magpapatawa naman siya ngayon sa Call Center Girl, love na love niya si Jessy Mendiola na gumaganap bilang anak niya. Magkasing-edad kasi si Jessy at ang namatay niyang anak kung nabubuhay lang ito. Pangako ni Pokwang sa casts, dahil sa suporta at magmamahal sa kanya ng mga kasamahan niya sa pelikulang ito, kapag sila ang humingi ng tulong na mag-guest siya she will not say no. “Kahit anong role. Basta sila, anytime,” promise niya sa mga kaibigan.
 Sa Call Center Girl, makakasama rin niya sina Enchong Dee, John Lapus, Ogie Diaz at Ejay Falcon sa direksyon ni Don Cuaresma. (Sinulat ni RK Villacorta/Pinoy Parazzi)